Posibleng pagsasagawa ng pagdinig sa sinasabing kulto sa Surigao del Norte sa mismong lugar ng grupo, pinag-aaralang maigi ng Senate Committee

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinag-aaralan ngayon ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung tuloy ang pagdaraos ng susunod na pagdinig ng kanyang komite sa Socorro, Surigao del Norte tungkol sa mga isyung ikinakabit sa sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).

Ayon kay Dela Rosa, target sana nilang magawa ang ikalawang imbestigasyon ngayong linggo pero tinitingnan pa nila ang schedule ng mga budget hearings sa Senado.

Kahit kasi naka-session break ang Kongreso ay tuloy pa rin ang mga committee hearing ng Senado tungkol sa panukalang 2024 budget ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Kakausapin rin aniya muna ni Dela Rosa ang mga miyembro ng pinamumunuan niyang komite kung papayag silang magpunta sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte na kinaroroonan ng grupong SBSI.

Kung ang senador kasi ang tatanungin, mas gugustuhin niyang doon sa Socorro gawin ang pagdinig dahil mas kakaunti lang silang mga senador na babyahe hindi tulad kung sa Senado na mas maraming SBSI members ang pupunta sa Kamaynilaan at gagastos pa.

Hindi naman nangangamba ang mambabatas sa kanilang seguridad sakaling matuloy sa Socorro ang kanilang pagdinig dahil tiwala siyang kaya itong pangasiwaan ng Philippine Army at Philippine National Police.

Iginiit pa ng senador na kailangan ring ipakita ng gobyerno na hindi ito takot sa grupo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us