Hindi pabor si House Deputy Majority Leader Rep. Alfred Delos Santos na isama ang mga mangingisdang Pinoy sa pagsasagawa ng intel at evidence gathering sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, partikular sa bahagi ng West Philippine Sea.
Aniya, dapat ay mga propesyonal gaya ng sundalo at Philippine Coast Guard ang gumawa nito at hindi ang mga ordinaryong mangingisda na posibleng malagay pa sa alanganin.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang Kamara na ilipat sa PCG at iba pang ahensyang nagbabantay sa WPS at EEZ ang confidential and intelligence funds ng civilian agencies dahil sila ang mga ahensyang nararapat mangalap ng ebidensya at intel.
Punto pa nito na kahit ang mga Bantay Dagat ay hindi dapat bigyan ng intel duty at i-deploy sa EEZ dahil ang tanging trabaho nila ay bantayan at ipatupad ang coastal fisheries law.
“Instead of giving fishermen mobile phones and other devices for evidence-gathering, it would be better to mobilize the PCG auxiliaries and military reservists if the PCG and AFP need more people to gather evidence and intelligence.” ani Delos Santos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes