Makaraan ang ilang dekadang paglagda sa kasunduang pagkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at Moro National Liberation Front (MNLF), naisagawa na rin ang kauna-unahang Transformation program sa mahigit 500 dating mandirigma ng MNLF ngayong araw sa Maluso Isabela, Basilan.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Pilipinas kay Undersecretary for Inclusive and Sustainable Peace Alan Tanjusay, nabatid na magkatuwang ang DSWD at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU)sa pamamahagi ng P45,000 cash assistance at bigas sa mga dating combatant ng MNLF.
Maliban pa dito magpapatupad din ng cash-for-work program ang ahensiya sa susunod na mga araw.
Ayon kay Tanjusay, target ng nasabing programa ang 2,000 MNLF former combatants sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, at North Cotabato bilang pagtalima sa 1996 final peace agreement.
Ipinaliwanag din ni Usec. Tanjusay na magpapatupad naman ng standard protocol ang DSWD regional office sa kanilang sistema ng pamamahagi upang masiguro na maayos at makamit ng ahensiya ang layunin ng programa para sa lahat.| ulat ni Dang Sabdani| RP1 Davao