Ito’ y sa pangunguna ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na siya ring Cabinet Officer for Regional Development & Security (CORDS) ng rehiyon.
Sa pagdalaw sa rehiyon ngayon ng kalihim, pinulong nito ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya sa pamanagitan ng Eastern Visayas Joint Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (JRTF8-ELCAC).
Kasama ang ibang mga opisyal ng DILG, maraming lokal na mga opisyal ang dumalo sa pangunguna nina Ormoc City Mayor Lucy Torres na siyang pangulo ng Eastern Visayas Regional Development Council (RDC8) at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na siya namang pangulo ng Eastern Visayas Regional Peace & Order Council (RPOC 8).
Naging unang bahagi ng pulong ang pagpanumpa ng katapatan sa pamahalaan ng mahigit limampung mga dating rebelde na ngayon ay nagbalik-loob na at tinatawag na’ng mga Friends Rescued o mga FR.
Kasunod ng pagpapanumpa, ipinamahagi ni Abalos ang iba’t ibang tulong-pinansyal para sa mga FRs sa kabuuang halaga na mahigit sa apat na milyong piso.
Kasunod nito, pinakinggan ng Kalihim ang kasalukuyang estado ng rehiyon sa pamamagitan ng ulat ng iba’t ibang ahensya kasama na ang pakikinig sa mga hinaing at mga kailangan pa’ng gawin.
Kasama sa mga idinaing ang mahal na kuryente kahit na ang rehiyon naman sana ang isa sa pinagkukunan ng Geothermal Energy.
Kasama rin sa iminungkahi na hindi sana iniiwan agad ng mga tropa ng pamahalaan ang isang lugar kahit nakamit na nito ang ganap na katahimikan at ang pagpapatupad ng nasimulang mga proyektong pang-imprastraktura para sa ganap na pag-unlad ng lugar.
Bilang sagot sa mga ito at sa iba pang mga hinaing, ipinangako ng kalihim na bilang CORDS ng rehiyon, sisikapin niyang makamit ang bawat mithiin para sa ganap na kaunlaran ng Silangang Kabisayaan.
Tinapos ng kalihim ang kanyang isang araw na pagdalaw dito sa rehiyon otso sa pamamagitan ng Demilitarization of Turned-In Firearms o ganap na pagsira ng mahigit limampung baril, karamihan nito nagmumula sa mga rebelde upang tuluyang di na magamit ang mga ito sa mga iligal na kaparaanan.
Inaasahan na ang naging mga kaganapan sa rehiyon ngayong araw na ito ay hindi maipagkakailang isang magandang hudyat para sa patuloy na katahimikan at pag-unlad ng Silangang Kabisaya-an.| ulat ni Dindo Alaras| RP1 Sogod