Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino worker (OFW) kaugnay sa nangyayaring malawakang illegal recruitment scheme sa Italy.
Ayon sa DMW, target ng mga illegal recruiter ang OFWs, kung saan nanghihingi ang mga ito ng malaking halaga ng placement at consultancy fee kapalit ng pekeng trabaho.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs, Philippine Consulate General sa Milan, at Migrant Workers Office-Milan para imbestigahan ang naturang ahensya na nanloloko ng mga indibidwal sa Italy at Pilipinas.
Nakikipagtulungan na rin ang ahensya sa Department of Justice, para imbestigahan ang reklamo na inihain ng nasa 100 biktima noong nakaraang linggo.
Tiniyak naman ng ahensya, na hahabulin at pananagutin ang sangkot na illegal recruitment agencies.
Hinikayat naman ng DMW ang mga biktima ng illegal recruitment, na makipag-ugnayan at i-report sa kanila ang ganitong klaseng mga panloloko upang sila ay matulungan sa pagsasampa ng kaukulang kaso. | ulat ni Diane Lear