Inilunsad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang bagong Philippine Lottery System nito na makatutulong para mapabilis ang transaksyon ng ahensya.
Layon nitong gawing centralized ang sales report, pag-generate ng winning numbers, at mas accessible na pag-validate ng mga ticket.
Nabatid na gumagamit ng dalawang magkaibang lottery system ang PCSO para sa mga lotto outlet ticket-selling operation nito sa buong bansa, sa nakalipas na dalawang dekada.
Kabilang dito ang Philippine Gaming and Management Corporation system para sa Luzon at Pacific Online Systems Corporation system para sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa PCSO, matagal nang naantala ang plano ng ahensya na gawing centralized ang lottery system nito dahil sa iba’t ibang dahilan pati na ang COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng bagong sistema, mas mapabibilis na rin ang paglalabas ng resulta sa lotto game at pag-anunsyo ng mga jackpot winner sa kani-kanilang mga lugar.
Tiniyak naman ng PCSO, na ang bagong lottery system ay sinertipikahan at sumusunod sa mga security control standard ng World Lottery Association para masiguro ang integridad at kaligtasan ng naturang sistema. | ulat ni Diane Lear