Tututukan ng Commission on Elections (COMELEC) sa pakikipagtulungan sa magsasanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatupad ng seguridad sa dalawang barangay sa bayan ng Jolo, Sulu bilang areas of concern kung saan maaaring magkaroon ng mainit na labanan ang mga magtutunggali sa pagkapunong barangay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ika-30 ng Oktubre.
Nilinaw ni Election Officer Shariff Ututalum, Officer In-Charge ng COMELEC Jolo, na may ilang barangay naman tulad ng sa Takut-Takut kung saan may maglalaban-laban kung hindi man sa pagkapunong barangay ay sa kagawad.
Nais nitong mabigyang linaw ang kategorya ng barangay Walled City upang matutukan ng maigi ang seguridad base sa inilatag na security plan ng mga kinauukulan upang masigurong maayos at payapa ang halalan sa mga naturang lugar.
Dalawang barangay na lamang ngayon mula sa dating tatlong barangay ang maglalaban-laban matapos bawiin ang kandidatura ng isa na dapat sanang tatakbo sa pagkapunong barangay sa Chinese Pier.
Maliban sa Chinese Pier, unopposed din ang tatakbong punong barangay at karamihan sa mga barangay at SK kagawad sa bayan ng Alat, Asturias, San Raymundo, Bus-Bus at Takut-Takut.
Una rito, naisagawa kahapon ang paglagda ng peace covenant ng lahat ng mga kandidato para sa BKSE sa Sulu State College Gym na layon makuha ang kanilang suporta sa maayos, payapa at malinis na halalan. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo