Inaantabayanan ngayon ng mga malalaking transport group ang magiging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit nilang P1 provisional fare increase.
On going pa ang isinasagawang pagdinig sa petition na taas-pasahe na hirit ng grupong PASANG MASDA, ALTODAP at ACTO.
Ayon kay Ka Obet Martin, Pangulo ng PASANG MASDA, umaasa sila na maibibigay ang provisional P1 increase dahil nakapagsumite na sila sa LTFRB ng supplemental petition.
Ngayong hapon, naihain na ng jeepney transport group ang mga kinakailangang dokumento.
Ginawa na nilang nationwide ang maging sakop ng fare increase sa halip na National Capital Region lang.
Kasama na rin sa kanilang petisyon ang modern jeepneys.
Tiniyak naman ng grupo, na kahit ibigay ang P1 provisional fare increase tuloy pa rin ang kanilang orihinal na petisyon para sa P5 dagdag singil sa pasahe. | ulat ni Rey Ferrer