Binigyang-diin ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang pangangailangan na palakasin ang awareness campaign, early detection at suporta para sa mga indibidwal na may thyroid cancer.
Sa isang privilege speech, ibinahagi ni Abalos ang personal nitong laban sa thyroid cancer.
Tinukoy nito ang datos ng World Health Organization (WHO) noong 2020, kung saan pampito ang thyroid cancer sa mga uri ng cancer na naitatala sa Pilipinas.
Bagamat itinuturing na ‘good cancer’ ang thyroid cancer dahil sa mataas na tyansa na magamot at five-year survival rate na 98%— hamon pa rin ang pagtukoy o detection sa naturang sakit, dahil hindi agad napapansin ang sintomas.
Sinabi pa ni Abalos, na batay sa isang pag-aaral 37% ng mga cancer survivor na nasa low hanggang middle income countries ang nakakaranas ng anxiety, at may 46% na na-de-depressed.
Kaya’t mahalaga aniya ang emotional at psychological support sa cancer patients.
Nanawagan din si Abalos sa mga kasamahang mambabatas, na pagtibayin ang mga panukalang batas na tutugon sa cancer care.
Isa na rito ang kaniyang House Bill 2734 para sa pagtatatag ng National Cancer Center of the Philippines, para sa mas accessible na pagpapagamot sa naturang sakit. | ulat ni Kathleen Forbes