Isinusulong ni Senadora Risa Hontiveros na magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa pagkamatay ng isa na namang Pilipinang domestic helper sa Saudi Arabia.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 817 para masiyasat sa Senado ang pamamaslang sa 32 anyos na Pinay na si Marjorette Garcia na natagpuang patay na may saksak sa katawan.
Isinusulong ng senadora na mabigyan ng hustisya ang pamilya ng pinaslang na Pinay.
Kasabay nito ay umapela rin ang senadora para sa mas malakas na mekanismo para maprotektahan at mapangalagaan ang mga Pinoy migrant workers na nagtatrabaho sa mga bansa sa Middle East.
Pinunto ng mambabatas na sa mga nakalipas na taon ay nakapagtala ng maraming insidente ng pagmamaltrato at pangaabuso sa mga OFW sa Middle East at ilan sa mga ito ay hindi na nakabalik ng buhay sa kanilang mga pamilya.
Pinunto pa ni Hontiveros na noong 2021, 60 percent ng mga OFWs ay mga kababaihan at sa pareho ring taon, iniulat ng OWWA na sa 23,986 na kaso ng mga pangaabuso sa mga OFWs, 75 percent dito ay mga babaeng migrant workers.| ulat ni Nimfa Asuncion