Sinaklolohan ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang isang 21-taong gulang na miyembro ng LGBTQIA+ na umano’y sinasaktan ng kanyang magulang.
Ito matapos manawagan ng tulong sa social media ang residenteng si Pao na diumano ay sinasaktan at pinagbawalan na lumabas ng bahay ng kanyang mga magulang.
Sa utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, agarang nagtungo ang mga opisyal ng barangay at pulisya sa tahanan ni Pao para ito ay i-rescue.
Ang biktima ay kasalukuyan ngayong nasa pangangalaga ng PANTAY, na isang samahan ng LGBTQIA+.
Matapos namang ma-rescue, nagdesisyon aniya si Pao na hindi na magsasampa ng anumang kaso laban sa kanyang mga magulang kaya ititigil na rin ng Quezon City Police District (QCPD) ang imbestigasyon rito.
Gayunman, patuloy ang pamahalaang lungsod na aagapay sa mga posibleng biktima ng pananakot, pananakit o anumang uri ng karahasan.
Punto ng pamahalaang lungsod, walang puwang ang pagmamaltrato at anumang uri ng karahasan laban sa kaninuman, anuman ang kanyang kasarian, relihiyon o katayuan sa buhay. | ulat ni Merry Ann Bastasa