Matagumpay na naisagawa ang ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panibagong Rotation and Resupply Mission (RoRe) sa Ayungin Shoal kahapon.
Sa isang statement pinuri ng National Task Force – West Philippine Sea (NTF-WPS), ang dedikasyon, determinasyon, at propesyonalismo ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) na nagtulungan para maisakatuparan ang misyon.
Ito’y matapos na maihatid ng Philippine supply ships Unaizah May 1 at Unaizah May 2 na in-escort ng PCG vessel BRP Cabra (MRRV-4409) at BRP Sindangan (MRRV- 4407), ang mga suplay sa tropang naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa NTF-WPS naisagawa ang misyon sa kabila ng pagtatangka ng malaking bilang ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) na harangan, i-harass, at hadlangan ang regular na resupply mission.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na ang regular na resupply at maintenance mission sa BRP Sierra Madre ay bahagi ng normal na operasyon para masiguro ang kaligtasan ng mga tauhang naka-istasyon sa naturang barko.
Dagdag ng NTF-WPS na ito ay lehitimong ehersisyo ng “administrative functions” ng pamahalaan sa West Philippine Sea, na itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award, at lokal na batas. | ulat ni Leo Sarne