Magkakaroon ng pagpupulong bukas ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay ng isyu sa sinasabing kulto sa Surigao del Norte na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI)
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Senado ngayong araw, kapwa kinumpirma nina DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga at DILG Secretary Benhur Abalos ang magiging inter-agency meeting bukas.
Kabilang sa mga ahensyang magpupulong bukas ay ang DILG, DENR, Department of Justice (DOJ), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Layon ng meeting na makabuo ang gobyerno ng isang intergrated approach patungkol sa isyu.
Ito lalo na’t sinuspinde na ng DENR ang Protected Area-Community Based Resource Management agreement (PACBRMA) nila sa SBSI na nagpapahintulot sa grupo na gamitin ang bahagi ng isang dekalradong protected area.
Sa panig ng DILG, sinabi ni Secretary Abalos na kasama sa mga maitutulong nila para sa posibleng resettlement at reintegration ng mga residente ng Sitio Kapihan ay ang pagpapanatili ng peace and order sa lugar.
Sa ngayon, ayon sa kalihim, ay may mga pulis nang nakatalaga sa entrance ng lugar at mismong sa gitna rin aniya ng lugar ay nagtayo na ang PNP ng isang mini-police station.
Sa ganitong paraan ay mararamdaman aniya ng mga tao doon ang presensya ng mga pulis at sumisimbolo rin ito ng peace and order sa lugar.| ulat ni Nimfa Asuncion