Hustisya para sa mga mangingisdang biktima ng ‘hit and run’ sa Bajo de Masinloc, panawagan ng party-list solon

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinasisiguro ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na mapanagot ang mga responsable sa pagkamatay ng tatlong Pinoy na mangingisda sa Bajo de Masinloc.

Lunes nang mabangga ng crude oil tanker na nakarehistro sa ilalim ng Marshall Island ang bangkang pangisda sa bahagi ng Scarborough Shoal.

Ngunit imbes na huminto ay nagpatuloy sa paglalayag.

Ayon kay Lee, malinaw na tinakasan ng naturang oil tanker ang nabanggang mangingisda kaya’t umaasa ito na mabigat ang parusang ipapataw sa kanila.

“Sa puntong ito, immaterial na kung sinadya man o hindi ang pangyayari dahil sa huli ay iniwan pa rin ng mga may sala ang mga biktima nila. Malinaw na malinaw po na hit and run ang ginawa nila kaya sana mas mabigat ang maging parusa sa kanila,” ani Lee.

“Kapag may aksidente, the instinct is to check kung may nasugatan o may napinsala ba, and then to help. Pero itong mga walang konsensiya, tinakbuhan nila ang responsibilidad nilang tumulong,” dagdag ng mambabatas.

Umaasa si Lee na gagawin ng pamahalaan ang lahat para maibigay ang hustisya sa naulilang pamilya ng mga mangingisdang nasawi.

“Nakikiramay po tayo sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga kababayan nating mangingisda na nasawi matapos banggain ang kanilang bangka ng isang oil tanker. Ipinagdarasal natin na mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay sa lalong madaling panahon,” diin ng kongresista

Sinabi na ng Philippine Coast Guard na agad itong makikipag-ugnayan sa nakabanggang oil tanker sa susunod na pantalan kung saan ito dadaong.

“Umaasa tayo na magiging mabilis at masusi ang imbestigasyon sa pangyayaring ito dahil galing na mismo kay Pangulong Bongbong Marcos ang utos at pagtiyak na pananagutin ang mga may-sala,” sabi pa ni Lee.| ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us