Agarang pagkilos ang apela ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Consulate General sa Milan, at mga otoridad sa Ital, para matugis ang mga sangkot sa illegal recruitment ng mga Pilipino sa naturang bansa.
Aniya, may mga natatanggap siyang ulat patungkol sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mga Pilipino sa Italya na naghanap lang naman ng trabaho ngunit naloko.
Dahil sa Italya naganap ang krimen ay marapat na makipag-ugnayan ang ating bansa sa mga Italian authority, para sa agarang pagpapanagot ng mga may sala.
Hiling din ni Salo sa DMW, DFA at Philippine Consulate General na asistehan ang mga biktima sa pamamagitan ng legal support at tiyaking makamit ang hustisya.
Pinakikilos din nito ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at iba pang otoridad para hanapin ang mga accomplice o kasabwat na nag-operate sa Pilipinas para makapanloko ng mga OFW. | ulat ni Kathleen Forbes