Didinggin na ng Commission on Elections (Comelec) ang petition para i-disqualify ang Smartmatic sa Procurement ng mga vote counting machine sa 2025 elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, nais nilang dinggin ang naturang petisyon upang agad makapagpalabas ng desisyon bago ang bidding ng mga bagong makina sa susunod na taon.
Ang naturang petition for disqualification laban sa Smartmatic ay inihain sa Comelec ng grupo nina dating Comelec Commissioner Augusto Lagman.
Base sa kanilang petisyon, dapat daw ay huwag payagan na makasali sa bidding ang Smartmatic dahil sa pagdududa sa integridad sa mga nagdaang halalan.
Ang naturang kaso ay nai-file ng petitioners noong June 15, 2023.
Bilang bahagi ng due process ay binigyang utos ng en banc ang respondent na Smartmatic, na magkomento sa naturang petition at isumite ito sa Comelec sa pamamagitan ng Clerk of the Commission, bago ang pagdinig na itinakda sa susunod na linggo. | ulat ni Michael Rogas