Antipolo City LGU, tiniyak ang lahat ng tulong na kanilang ibibigay sa pamilya ng Grade 5 pupil na nasawi matapos saktan ng kaniyang guro

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagpaabot ng pakikiramay ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pamilya ni Francis Jay Gumikib na nasawi matapos mabiktima ng pananakit ng kaniyang sariling guro kamakailan

Kasunod nito mariin ding kinondena ni Antipolo City Mayor Casimiro Jun Ynares III ang insidente at tiniyak nito na maihahatid ang katarungan sa pamilya ng biktima.

Dagdag pa ng alkalde, walang dapat alalahanin ang pamilya ni Francis Jay dahil sasagutin nila ang lahat ng gastusin mula sa naging pagpapa-ospital hanggang sa maiburol at mailibing ito.

Samantala, sinabi ng Alkalde na tila nagkaroon ng lapses sa panig ng Peñafrancia Elementary School dahil hindi naiulat agad ang nangyaring pananakit ng guro sa biktima.

Kaya naman, sinabi ni Mayor Ynares na nagsasagawa na rin sila ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pananagutan ng paaralan at ng guro dahil walang sinuman ang dapat magbuhat ng kamay sa mga bata.

Kahapon, nadala na sa tanggapan ng PNP Forensic Group sa Kampo Crame ang labi ng biktima mula sa Heaven’s Gate Memorial Gardens para isailalim sa autopsy.

Sa panayam naman kay Elena Minggoy, ina  ni Francis Jay, desidido silang maghain ng reklamo laban sa gurong nanakit sa kanilang anak na nagresulta sa pagkasawi nito.

“Kung siya ang dahilan ng pagkamatay ng anak ko, yun talaga ang plano na makasuhan siya. Hustisya ang kahilingan ko sa pagkamatay ng anak ko,” ani ina ng biktima.

“Ganun lang ba ang buhay ng anak ko? Sa nangyari na ito mahirap, mabigat tanggapin dahil lang sa ganung pangyayari mawalan ka ng anak, napakahirap po,” wika ni Elena Minggoy, ina ni Francis Jay Gumikib.  | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us