Inanunsyo ng Land Transportation Office na muli na itong mag-iisyu ng plastic license cards para sa mga motorista kabilang ang mga may expired nang lisensya mula noong Abril.
Kasunod na rin ito ng pagdating na ng bagong suplay ng plastic drivers license cards sa ahensya.
Sa inilabas nitong memo, nagtakda ng iskedyul ang LTO kung hanggang kailan maaaring mag-renew ng lisensya ang mga may expired na drivers license.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, maaari nang magtungo simula bukas, Oct. 6 sa kanilang mga tanggapan ang mga motoristang nag-expire ang drivers license noong April 1-30.
Bibigyan sila ng hanggang katapusan ng Oktubre para maasikaso ang renewal ng kanilang lisensya at nang hindi mapatawan ng penalty.
Para naman sa mga motoristang napaso ang lisensya mula May 1-31, sila ay maaaring mag-renew na hindi lalagpas sa November 30.
Sa mga nag-expire ang lisensya mula June 1-30, bibigyan sila hanggang December 31 para mag-renew habang hanggang January 31, 2024 ang iskedyul para sa mga motoristang nag-expire ang lisensya mula July 1-31.
Ganito rin ang magiging sistema para sa mga nag-expire ang lisensya mula August 1-31 na may hanggang February 29, 2024 para makapag-renew at sa mga nag-expire ang lisensya mula September 1-30 ay may renewal schedule na hindi lalagpas sa March 31, 2024
Ayon sa LTO, ginawang ‘staggered’ ang pamamahagi ng plastic cards para hindi dagsain at hindi magkaroon ng mahabang pila sa mga licensing office nito.
Target naman ng ahensya na makumpleto ang pamamahagi ng backlog sa plastic drivers license cards sa Marso ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa