Bumilis ang inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Setyembre.
Sa ulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, umakyat sa 6.1% ang inflation nitong Setyembre, mula sa 5.3% noong Agosto.
Habang ang average inflation naman mula Enero hanggang Setyembre ay nanatili sa 6.6%.
Paliwanag ng PSA, nangungunang dahilan ng pagbilis ng inflation ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages partikular dito ang bigas at karne ng baboy.
Pangalawa sa nakaambag ang transport dahil sa walang prenong pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Samantala, bumilis rin sa 6.1% ang headline inflation sa National Capital Region (NCR) at ang pangunahing nakaambag rito ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng gasolina, LPG, at bayad sa kuryente.
Habang bumilis rin sa 6.0% ang inflation sa mga lugar sa labas ng NCR mula sa 5.2% noong Agosto.
Ito ay dahil sa mas mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas at karneng manok, at pati na ang patuloy na pagsipa ng presyo ng gasolina at diesel. | ulat ni Merry Ann Bastasa