Nais ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino na palawigin ang sakop ng National Bureau of Investigation (NBI), at maisama sa hurisdiksyon nito ang illegal recruitment.
Bunsod ito ng patuloy na pambibiktima ng illegal recruiters sa mga overseas Filipino worker (OFW), pinakahuli dito ay sa Italya.
Ilang mga Pilipino na ang naloko at nagbayad ng hanggang P39 million para sa isang pekeng job posting.
Sa ilalim ng House Bill 9351 ng kinatawan, aamyendahan ang kasalukuyang Republic Act 10867 o National Bureau of Investigation Reorganization and Modernization Act.
Ayon kay Magsino, kailangan ng expertise at specialized knowledge ng NBI para tuluyang masawata ang illegal recruiters.
Sakaling maisabatas, isasama sa primary jurisdiction ng NBI ang mga sumusunod: Illegal recruitment, pagbabanta o pag-atake sa media practitioner, aktibista, justices at judges; pamamaslang, pagbabanta o pag-atake sa Ombudsman at chairpersons ng Constitutional commissions; insidente na dulot ng human-instigated disasters; kaso ng rebellion, insurrection, terrorism; kaso ng paglabag sa environmental laws; at kaso ng pamemeke ng dokumento. | ulat ni Kathleen Forbes