Pinakikilos ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa DOH ang mabagal na pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments kamakailan, sinabi ni Villafuerte kay DOH Secretary Ted Herbosa na kailangan nitong magpatupad ng reporma para maging mabilis ang pagbabayad ng PhilHealth.
Tinukoy nito na bagamat mayroong P700 bilyon na pondo ang PhilHealth mayroon naman itong P27 bilyon na utang sa mga pampubliko at pribadong ospital.
Siniguro naman ni Herbosa na nagsasagawa na ng pag-aaral ang DOH at isusumite sa Kongreso ang plano upang matugunan ang problema.
Isa sa kanilang tinitignan ay ang paggamit ng capitation system gaya ng sa Canada kung saan inilalagay na ang isang taong pondo sa mga provincial government upang magamit ng kanilang mga constituent.
Isa rin aniya sa inaaral nila ay ang paggamit ng maliit na bahagi ng pondo ng PhilHealth sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program, isang programa ng gobyerno na tumutulong sa mga mahihirap na pasyente na nasa pribadong ospital.
Mas pabor naman dito si Villafuerte dahil aniya nagagawang mabayaran ang mga ospital sa loob ng 60 hanggang 90 araw sa ilalim ng MAIP kumpara sa PhilHealth.
“That’s what I’m saying, Mr. Secretary, yung MAIP, nababayaran yung ospital ng, you know, 60 days, kahit 90 days. But ang PhilHealth, minsan daang milyon na, hindi pa nababayaran ang isang ospital, at kawawa naman yung ospital, and there’s already a lot of anomalies.” ani Villafuerte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes