Nagpulong ngayong araw ang Metro Manila Council o MMC para talakayin ang inilabas na Executive Order no. 41 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang kautusang nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na alisin ang pagpapataw ng “pass through fees” o sinisingil na toll sa mga produkto na idinaraan sa mga lansangang ipinagawa ng mga LGU.
Pinangunahan ni Metro Manila Council o MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagpupulong kasama si Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, mga Metro Mayor at kinatawan nito.
Dumalo rin sa naturang pagpupulong si Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr.
Layunin ng EO no. 41 na mapabilis ang paghahatid ng mga produkto at kalakal sa mga rehiyon upang buhayin ang lokal na industriya gayundin ay mapababa ang presyo ng mga ito.
Kasama sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos Jr. ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, mayor’s permit fees at iba pa. | ulat ni Jaymark Dagala