Naniniwala si NEDA Secretary Arsenio Balisacan na kailangang palawigin pa hanggang sa huling bahagi ng 2024 ang mas mababang tariff rate ng ilang agricultural products.
Maaalalang nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order no 10 o extension ng lower tariff rates sa bigas, karneng baboy at mais nang hanggang December 31, 2024.
Sa isang press conference, sinabi ni Balisacan na dahil sa naging mabilis na paggalaw ng inflation bunsod ng mataas presyo ng bigas at transportation cost, kaya umabot sa 6.1 percent ang inflation sa buwan ng Setyembre.
Ayon sa kalihim, upang tugunan ang mataas na presyo ng bigas kailangang masiguro na sapat ang supply nito sa bansa.
Sa ginanap na Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) kamakailan, kabilang sa kanilang rekomendasyon na i-extend pa ang lower tariff rate sa mga “most favored nation” o MFN.
Paliwanag ni Balisacan, dadaan pa ang kanilang proposal na EO 10 extension sa Tariff Commission na siyang magsasagawa ng assessment at consultation.
Diin pa ng kalihim, kapag tinanggal ang EO 10 tiyak na tataas ang presyo ng bigas, karneng baboy at mais, at lalong tataas ang inflation. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes