Binigyang diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng patutulungan ng publiko at pribadong sektor, upang tiyakin na mabibigyan ng abot-kayang pabahay ang mga Pilipino.
Sa ginanap na 31st National Developers Convention sa Cebu City, tinalakay ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang mga istratehiya at priority legislative agenda sa Philippine Development Plan 2023-2028 sa ilalim ng housing sector.
Ayon kay Balisacan, kabilang sa mga hamon sa pagkakaroon ng livability of communities na natukoy sa PDP 2023-2028 ay dapat tugunan sa pamamagitan ng pagsusulong ng social environment, pagpapabuti ng environmental quality, at pag-upgrade sa built environment.
Isa sa mga target ng PDP 2023-2028 sa housing sector ay ang pagtatayo ng livable communities upang maisulong ang human at social development.
Sinabi ng kalihim, na layon nitong maiangat ang antas ng pamumuhay sa mga komunidad na makatutulong sa paglago ng ekonomiya na makahihiyakat sa mga negosyo.
Mahalaga rin aniya, na mas pagbutihin ang housing sector na malaking tulong sa pag-abot ng target sa AmBisyon Natin 2040 na layong mabigyan ng komportableng pamumuhay ang mga Pilipino. | ulat ni Diane Lear