Muling nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa publiko na maging mapagmatyag at gawin ang ibayong pag-iingat.
Ito’y kasunod ng naging pag-atake ng Medusa ransomware sa online system ng State Health Insurer nitong Setyembre.
Ayon sa PhilHealth, nabatid na ipinakakalat umano ng mga hacker ng Medusa ang mga datos na kanilang nakuha mula sa workstations ng kanilang mga tauhan.
Dahil dito, pinayuhan ng PhilHealth ang mga miyembro nitong mayroong online account na baguhin ang kanilang password upang hindi sila mahulog sa patibong ng mga kawatan.
Mahigpit ding pinaalalahanan ng PhilHealth ang kanilang mga miyembro na iwasan ang pag-click sa mga kahina-hinalang e-mail, link at huwag sagutin ang mga kahina-hinalang tawag o text.
Giit ng State Health Insurer, paraan ito ng mga kawatan upang ma-penetrate ang mismong account ng mga miyembro upang direkta silang makapaminsala sa mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala