Papuri at pagkilala ang ipinapaabot ni House Speaker Martin Romualdez at ng buong House of Representatives sa delegasyon ng Pilipinas sa kanilang hindi matatawarang performance sa katatapos na 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
“The achievements of the Philippine delegation, including securing medals and setting new records, demonstrate the dedication, hard work, and excellence of our athletes. Their success is a testament to the resilience and talent of Filipino sportsmen and sportswomen,” ani Speaker Romualdez.
Dahil naman dito ay siniguro ng House leader na susuportahan ang paglinang sa sports ng bansa upang mas marami pang tagumpay na marating ang mga atletang Pilipino.
Tiwala rin ang Leyte representative na magsisilbi itong inspirasyon para sa susunod na henerasyon ng mga Filipino athletes.
Apat na gintong medalya ang nasungkit ng Pilipinas sa 19th Asian Games na nakuha nina pole vaulter Ernest John Obiena, jiu-jitsu martial artists Meggie Ochoa at Annie Ramirez, at Gilas Pilipinas.
Kapwa naman nakakuha ng silver medal ang boxer na si Eumir Marcial at ang Wushu sanda fighter na si Arnel Mandal.
Mayroon ding labindalawang bronze medal ang Pilipinas na naipanalo nina Patrick King Perez ng Taekwondo men’s individual poomsa; Jones Llabres Inso sa Wushu all-around; Gideon Fred Padua sa Wushu men’s 60kg; Clemente Tabugara Jr. sa Wushu men’s 65kg; Alexandra Eala sa tennis women’s singles; Alexandra Eala at Francis Casey Alcantara sa tennis mixed doubles; Patrick Bren Coo sa men’s cycling BMX racing; Elreen Ann Ando sa weightlifting women’s 64kg; Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Vince Torno, Mark Joseph Gonzales, Ronsited Gabayeron at Jom Lerry Rafael sa sepak takraw men’s quadrant; Sakura Alforte sa karate women’s individual kata; Jenna Kaila Napolis sa jiu-jitsu women’s -52kg; at Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Mark Joseph Gonzales, Ronsited Gabayeron, at Jom Lerry Rafael sa sepak takraw men’s regu.
Ang Pilipinas ay nagtapos sa 16th place mas mataas sa 18th place na nakuha nito sa Asian Games na ginanap sa Jakarta limang taon na ang nakakaraan.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa iba pang miyembro ng delegasyon, support team, at mga indibidwal at organisasyon na tumulong upang maitaas ang bandila ng bansa.
Kasama rin sa kaniyang pinasalamatan ang business sector at mga pribadong organisasyon at indibidwal sa pagsuporta sa delegasyon.
Binigyang pugay din ni Romualdez ang mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa kanilang pagpupursigi at paglinang ng palakasan sa bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes