Aabot sa mahigit 1000 na magsasaka sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte ang tumanggap ng kanilang National Registry System for Farmers and Fishers Card mula sa Department of Agriculture (DA) para sa kanilang tatanggaping P5,000 ayuda mula sa gobyerno.
Pinangunahan ni Mayor Angel Miguel Hernando at mga opisyal ng DA ang pamamahagi sa nasabing ID sa 1,385 na magsasaka na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa bayan ng San Nicolas.
Ayon kay Mayor Hernando, inuna ang bayan ng San Nicolas kaysa ibang mga bayan at lungsod sa Ilocos Norte dahil sa malaking pinsala sa agrikultura sa mga nakaraang Bagyo Egay at Goring at naapektuhan ang hanapbuhay ng mga magsasaka.
Ang mga binigyan ng RSBSA Card sa bayan ng San Nicolas ay kasama sa 2.3 milyon ng magsasaka na pinangakuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tatanggap ng P5,000 na tulong ng gobyerno, mula sa P12.7 bilyon na inaprubahang pondo dahil sa mataas na gastusin sa pagsasaka at sa inaasahang pinsala na posibleng idudulot ng paparating na El Niño.
Nangako rin si Mayor Hernando na magbibigay din ng counterpart ang local na gobyerno ng San Nicolas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga agri-inputs at farm machineries para sa mga magsasasaka sa kanilang bayan. | ulat ni Ronald Valdriz | RP1 Laoag