Matagumpay na inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) Region IX ang ika-sampung Zamboanga Peninsula Exposition o ZamPex 2023 sa lungsod ng Zamboanga kahapon, October 8.
Nagsilbing panauhing pandangal sa tatlong araw na aktibidad si DTI Undersecretary Blesila Lantayona kung saan nagpahayag ito ng pasasalamat sa local government units na nakilahok sa ZamPex at sa DTI IX sa pagtulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Aabot sa higit 120 exhibitors na nagmula sa Zamboanga City, Isabela City sa Basilan, at sa mga probinsya ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay ang nakiisa sa naturang aktibidad.
Layon ng ZamPex na mabigyan ng oportunidad ang local MSMEs na itampok ang kani-kanilang lokal na produkto at negosyo, at ang tourism ventures ng mga nakilahok na LGU.
Ang ZamPex 2023 na may temang “Upgrade, Upskill, Upsize” ay nataon din sa pagdiriwang ng Hermosa Festival 2023 ng Zamboanga City.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga