Nanghihingi ng tulong sa Senado ang National Bureau of Investigation (NBI) para mapataas ang bilang ng kanilang mga agents sa buong bansa.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2024 budget ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni NBI Director Medardo De Lemos na sa ngayon ay wala pang 500 ang NBI agents sa buong bansa.
Aminado si De Lemos na hirap silang makarekrut ng mga bagong agents dahil sa mababang entry level.
Pero sa ngayon ay aprubado na aniya ang kanilang bagong organizational structure and staffing pattern (OSSP) kung saan itinaas na sa salary grade 22, o nasa P80,000, ang entry level ng bagong agents nila.
Sinabi ng opisyal na target ng ahensya na makumpleto na ang OSSP nila sa katapusan ng taon.
Sinabi ni De Lemos na ang utos sa kanila ni Justice Secretary Boying Remulla ay makapagrekrut ng 120 agents kada taon.
Kaya naman para makamit ito ay nanghihingi sila ng tulong mula sa Senado na madagdagan ang pondo para sa NBI academy o maibalik lang ang orihinal nilang hiling na P290-million na pondo para dito.
Sa ilalim kasi ng 2024 national expenditure program (NEP) ay P8-million lang ang binigay na alokasyon para dito ng DBM. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion