Nabunyag sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2024 budget ng Department of Justice (DOJ) ang tinaguriang “Demanda Me” system kung saan nagbabayad ang mga foreign nationals para sampahan sila ng kaso dito sa ating bansa.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, napansin nilang ginagawa ito ng mga dayuhan para hindi sila mapa-deport at mapaalis sa Pilipinas.
Paliwanag ni Remulla, hindi kasi maaaring mag-deport ng dayuhan ang gobyerno kapag may ongoing pa itong kaso dito sa Pilipinas.
Ibinahagi ng kalihim ang kaso ng isang Japanese na naghain ng 12 cases laban sa kanyang sarili para hindi mapaalis ng Pilipinas.
Pinag-aralan aniya nila ang bawat kasong ito at napa-dismiss isa-isa ang mga kaso.
Sa ngayon, ayon sa NBI, ay nasa 289 undesirable aliens ang nasa kustodiya ng NBI kung saan kalahati nito ay mga Chinese nationals.
Ibinahagi ni Remulla na nahihirapan silang makipag-coordinate sa gobyerno ng China kaya tumatagal ang deportation process ng mga Chinese nationals.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Remulla sa Senado na bumalangkas ng batas para agad ma-waive ang kaso ng isang dayuhang dapat nang ipa-deport at patawan din ng mas mabigat na parusa ang mga abogadong kasabwat ng mga ito sa ‘Demanda Me’ modus. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion