Magsasagawa ng mas masusing pagsusuri ang Philippine National Police (PNP) Forensic Group sa ikinamatay ng Grade 5 student matapos umanong sampalin ng guro.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame sinabi ni Dr. Hector Sorra, ang medicolegal division chief ng PNP Forensic Group, na magsasagawa na rin sila ng histopath exam sa labi ng biktimang si Francis Gumikib.
Dito’y isasailalim sa microscopic exam ang sample tissues upang malaman ang dahilan ng kamatayan ng bata.
Karaniwan aniya 30 araw para matapos ang histopath pero sisikapin nila itong mapabilis.
Matatandaang dinala sa Camp Crame noong nakaraang Miyerkules ang labi ng biktima para sumailalim sa awtopsiya na natapos din noong araw na iyon.
Ayon kay Sorra posibleng sa linggong ito mailabas ang resulta na agad nilang ipapadala sa Antipolo City Police. | ulat ni Leo Sarne