Isinusulong ni Sen. Chiz Escudero na awtomatikong ma-promote ang mga empleyado ng gobyerno kasabay ng kanilang pagreretiro gaya ng mga sundalo at pulis.
Sa ilalim ng Senate Bill 297 na inihain ng senador, pinapanukalang ibigay sa magreretirong civil servant ang salary grade na isang lebel na mas mataas sa kasalukuyan nitong posisyon sa oras ng kanyang pagreretiro.
Ayon kay Escudero, layon ng panukala niyang ito na mabigyan ng pagkilala ang mga nagsilbi para sa bayan ng matagal na panahon.
Itinatakda ng panukala na ang magiging adjusted salary grade level ng isang retiree ang magiging basehan ng computation para sa kanyang magiging retirement benefits.
Minamandato rin nito ang Civil Service Commission (CSC), sa pakikipagtulungan sa Department of Budget and Management (DBM) at Government Service Insurance System (GSIS), na bumuo ng nararapat na panuntunan at regulasyon para sa epektibong pagpapatupad ng panukalang ito oras na maisabatas.
Sa ngayon ay tinatalakay na sa technical working group (TWG) ng Senate Committee on Civil Service, Reorganization and Professional Regulation ang panukalang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion