Aminado ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kulang ang kanilang tauhan upang maghigpit sa mga paliparan at pantalan nang hindi makapasok ang iligal na droga.
Sa pagdinig ng House Dangerous Drugs Committee, tinanong ni Zambales First District Representative Jefferson Khonghun ang PDEA kung bakit tila nagagamit na ang freeport zones bilang entry at exit point ng droga.
Tugon ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, limitado ang kanilang kapasidad sa pagbabantay at pagsasagawa ng mga operasyon dahil sa tatlong libo lamang ang kanilang tauhan.
Kailangan din aniya nila ng interdiction units kung saan pagsasama-samahin sa iisang grupo ang law enforcement agencies upang tutukan ang iligal na droga.
Inihalimbawa nito na para mabantayan ang seaports ay kailangan nilang makatuwang ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Bureau of Customs, at Philippine National Police.
Hiling naman ni Lazo sa Kongreso na para madagdagan ang kanilang tauhan at makahikayat ng aplikante ay mataasan ang salary grade para sa entry-level agents. | ulat ni Kathleen Jean Forbes