Muling siningil ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa plano nilang pagpapatayo ng Central Luzon-Pampanga Mega Floodway project na una nang sinabi ng ahensya na magiging solusyon sa mga nararanasang pagbaha sa Central Luzon, partikular sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate panel sa panukalang 2024 budget ng DPWH, sinabi ni Secretary Manuel Bonoan na base sa kanilang timeline ay sa kalagitnaan pa ng 2025 masisimulan ang civil works para sa proyektyo.
Tinataya rin aniyang aabutin ng tatlo hanggang apat na taon para ganap itong makumpleto.
Ang naturang 60 kilometer floodway project ay popondohan ng Asian Development Bank (ADB) na aabot ng P150 billion.
Ikinadismaya ng mambabatas na matatagalan pa bago masisimulan ang naturang proyekto.
Napuna rin ni Villanueva ang malaking pagtaas ng pondo para sa feasibility studies ng DPWH .
Pinunto ng senador na umabot sa 1,257 percent ang increase sa hinihiling na pondo ng ahensya para sa feasibility study.
Sa ilalim kasi ng 2023 national budget ay nasa P1.17 billion lang ang alokasyon para sa feasibility study pero sa ilalim gn 2024 National Expenditure Program (NEP) ay aabot sa P15.9 billion ang hinihiling na pondo ng ahensya.| ulat ni Nimfa Asuncion