Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv sa Israel na natagpuan na ang isang Pilipinong unang napaulat na nawawala.
Bunsod pa rin ito ng nagpapatuloy na sigalot sa Israel na nag-ugat sa pag-atake ng mga rebeldeng Hamas at nagtulak sa pagganti ng Israeli forces.
Sa impormasyong ipinabatid ng Department of Foreign Affairs (DFA) buhat sa Embahada, dahil dito ay bumaba na sa anim na mga Pilipino ang pinaghahanap pa rin sa kasalukuyan.
Ayon sa Embahada, mula sa kabuuang anim na nawawala, dalawa rito ay mga lalaki habang ang apat na iba pa ay mga babae at patuloy pa ring pinaghahanap sa tulong ng mga awtoridad sa Israel.
Mula naman sa 29 na inisyal na napaulat na nawawala, iniulat din ng Embahada na 23 rito ang natagpuan kung saan, isa rito ang sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Samantala, sinabi rin ng DFA na tinitingnan na rin ng Embahada kung totoo ang ulat na isang Pilipina ang nasawi matapos ang naging pag-atake sa isang Kibbutzim (Kuh-but-seem) o settlement area roon.
Gayunman, tinunton na ng Labor Attache at Welfare Officer ng Embahada ang kapatid ng naturang Pinay para alalayang kumpirmahin ang impormasyon sa Israel Police. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Anadolu