Walang maaantalang serbisyo at operasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ang tiniyak ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano kasunod ng pagkakasuspinde kay Atty. Teofilo Guadiz III bilang LTFRB chairperson dahil sa mga ulat ng umano’y korupsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ayon kay Bolano, tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon ng kanilang programa gaya na lang ng fuel subsidy kung saan ongoing ang pag-transmit ng pondo sa LandBank.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala ang mga transport group dahil sa Nobyembre pa nakatakda ang pagdinig para sa mga petisyon na permanenteng taas-pasahe sa pampasaherong jeep.
Maging ang inanunsyong pagbabalik ng Libreng Sakay sa EDSA Bus Carousel at consolidated jeep sa ilalim ng Service Contracting Program ay isinasapinal na rin aniya ng LTFRB.
Una nang itinalaga ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista si LTFRB Board Member Atty. Mercy Paras Leynes bilang officer-in-charge-chairperson ng ahensya.
Sa inilabas na Special Order No. 2023-353, magsisilbing OIC ng LTFRB si Leynes simula October 10, 2023 hanggang October 9, 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa