Idineploy ng Armed Forces of the Philippines Western Command (WESCOM) ang BRP Davao del Sur, ang pinaka malaking barko ng Philippine Navy para tumulong sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Ayon kay WESCOM Spokesperson Commander Ariel Joseph Coloma, iba’t ibang misyon ang kaya ng BRP Davao del Sur pero tutukan nito ang territorial maritime patrol operations sa West Philippine Sea.
Dumating ang barko sa Puerto Princesa City nitong October 6, mula Subic, Zambales karga ang mga family food packs na ipapamahagi sa mga residente ng Culion Island bago maglayag patungong WPS.
Samantala, bagama’t ikinatuwa ng WESCOM ang karagdagang asset, umaasa sila na madadagdagan pa ito dahil sadyang napakalawak ng karagatan ng Pilipinas ang kailangang bantayan.
Ayon kay Commander Coloma, sa ngayon ay may 10 naval vessels ang WESCOM na ginagamit sa sealift operations at shuttle service patungong Pag-asa island at para magsagawa ng maritime and sovereignty patrol operations sa Exclusive Economic Zone ng bansa. | ulat ni Leo Sarne