Kumpiyansa si House Appropriations Committee Chair at AKO BICOL party-list Rep. Elizaldy Co na may sapat na pondo ang pamahalaan para tulungan ang mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Israel, lalo na yung mga posibleng mawalan ng trabaho.
Sa press briefing sa House media nitong Martes, natanong si Co kung mayroon bang adjustment na ginawa ang small committee sa 2024 General Appropriations Bill para pantulong sa mga OFW sa Israel na posibleng maapektuhan ang kabuhayan dahil sa nangyayaring gulo.
Paliwanag ni Co, mayroong contingent fund sa ilalim ng kasalukuyang 2023 national budget na maaaring i-mobilize na ngayon at hindi na kailangan hintayin pa ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
“There’s also a contingency fund, kung kailangan na ngayon merong contingency fund ang government. That’s the purpose of the contingency fund, we don’t need the budget for next year. Kung ngayon kailangan, kung kulang ang pondo, ‘yong contingency fund na P7 billion it can be mobilized by the approval of the President.” paliwanag ni Co.
Ngunit kung sakali ay maaari pa rin naman aniyang ayusin oras na sumalang sa bicameral conference committee ang 2024 GAB.
Batay sa pagtaya ng Department of Migrant Workers, mayroong nasa 30,000 na OFW ngayon sa Israel. | ulat ni Kathleen Jean Forbes