Nagpahayag ng pagkalungkot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nakarating ng ulat hinggil sa pagkamatay ng dalawang Pilipino sa Israel kaugnay ng nagpapatuloy pa kaguluhan sa nabanggit na bansa.
Sa pahayag na inilabas ng Pangulo ay sinabi nitong mabigat ang kanyang loob matapos na makumpirma ang masamang balita.
Kinukondena aniya ito ng bansa sa gitna ng patuloy na paninindigan ng Pilipinas na hindi ito sumasang-ayon sa anumang anyo ng karahasan at terorismo.
Mananatili ayon sa Pangulo ang pamahalaang Pilipinas sa tindig nitong makamit ang pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa United Nations resolutions at international laws.
Idinagdag ng Pangulo na hindi rin hihinto ang gobyerno sa pagpapadala ng kailangang tulong at suporta para sa mga OFW sa Israel na naaapektuhan ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng pwersa ng Israel at Hamas. | ulat ni alvin Baltazar