Maghahatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa gitna ng kaguluhan sa Israel.
Inatasan na ni DSWD Secretary Rex Gatchalian si Undersecretary for Operations Group Pinky Romualdez na makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW) para makuha ang detalye ng pamilya ng dalawang nasawing Pilipino upang agad na mahatiran ng kaukulang tulong.
Kasama sa direktiba ng kalihim ang pagpapadala ng grief counselors sa kaanak ng mga biktima para mabigyan ng psychosocial counseling.
Bukod dito, sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez na maaari ring mabigyan ng financial assistance ang mga ito sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya.
“As the department helps individuals through these difficult times, psychosocial counseling will work hand in hand with financial support to ensure a comprehensive approach,” Asst. Sec. Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, patututukan sa DSWD field office ang lagay ng pamilya ng dalawang Pilipino para madetermina ang maaari pang tulong na maihatid sa kanila ng kagawaran.
Batay sa datos ng gobyerno, may 30,000 Pilipino ang nasa Israel habang 137 naman ang nasa Gaza Strip na naipiit sa kaguluhan sa Middle East. | ulat ni Merry Ann