Umakyat na sa 70 ang bilang ng mga Pilipino sa Gaza na nais nang magpa-repatriate sa bansa, kasunod ng ginawang pag-atake ng Palestinian militant group, na Hamas sa Israel.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Medel Aguilar, na mayroon na silang tinukoy na magsisilbing pansamantalang safe haven na kung saan dadalhin ang mga Pilipino sakaling lumala pa ang sitwasyon doon.
Natukoy na rin aniya nila ang dalawang paliparan na maaaring magamit ng pamahalaan.
Magpapadala rin ang AFP ng dalawang C-130 at isang C-295, sakaling simulan na ang pagpapauwi sa mga ito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, na hindi naman pagbabawalan ang asawang Palestinian ng mga Pilipino na uuwi sa bansa, na sumama sa Pilipinas.
Ang isyu aniya dito ay kung papayagan ba silang makaalis ng kanilang bansa.
“Ang isyu is, will they be allowed to leave Gaza either by the local officials or iyong border, either in Egypt or Israel? Kasi ang mga kababayan natin, they can feel confident that for humanitarian reasons, papayagan silang makaalis, kasi hindi naman sila combatants or hindi sila part of the conflict. So, I cannot answer that now, but we are not preventing them from flying home to the Philippines with their wives if we are able to instruct them.” —Usec Vega. | ulat ni Racquel Bayan