Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan ang mga Overseas Filipino Worker na stranded at hindi makapunta ng Israel.
Ito ay dahil sa nagpapatuloy na giyera sa naturang bansa kasunod ng pag-atake ng militanteng grupong Hamas.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DMW Officer-in-Charge Usec. Hans Cacdac na mayroong mga OFW ang na-stranded sa Middle East na patungo sanang Israel.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Cacdac na mabibigyan ng tulong ang mga ito gaya ng financial assistance, livelihood assistance, psychosocial assistance, at employment assistance, gayundin ang pagsiguro na nasa maayos na kalagayan ang mga anak at pamilya nito.
Kabilang din sa mga makatatanggap ng tulong ang mga Pilipino na papuntang Israel upang magtrabaho at mayroong overseas employment certificate at aprubadong visa pero hindi makaalis.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa counterpart nito sa Israel na Population, Immigration, and Border Authority (PIBA) at hinihintay ang go signal kung maaari na muling magpadala ng mga OFW. | ulat ni Diane Lear