Nag-isyu ng challenge ang BRP Benguet (LS507) sa People’s Liberation Army Navy Ship 621 (PLAN 621) matapos magtangka ang barko ng China na tumawid sa harapan nito.
Ang insidente, kung saan 350 metro ang naging pinakamalapit na distansya ng dalawang barko, ay nangyari sa layong 5.8 Nautical Miles sa timog-kanluran ng Pag-asa Island nitong Biyernes ng hapon, habang nagsasagawa ng regular na Rotation and Resupply (RoRe) Mission ang Philippine Navy sa Rizal Reef Station.
Sa challenge na inisyu ng BRP Benguet, binalaan nila ang barkong pandigma ng China na lumalabag ito sa Collision Regulations (COLREG), at pinalilihis ito.
Ayon kay Armed Forces of The Philippines (AFP) Western Command (Wescom) Chief Vice Admiral Alberto Carlos, ang mga mapanganib na maneobra ng Chinese Navy ay malaking banta sa maritime safety, collision prevention, at buhay sa karagatan; at dapat na nilang tigilan ito at kumilos sa propesyonal na paraang naaayon sa International Law.
Pinagsabihan naman ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang China na tigilan na ang pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas at tumalima sa maritime safety standards. | ulat ni Leo Sarne