Inaasahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magiging maliit lamang ang epekto ng nakaambang na tigil-pasada ng ilang grupo ng transportasyon ngayong araw.
Ito ang pahayag ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, makaraang dumalo ito sa ipinatawag na pulong ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga transport group na hindi lalahok sa ikinasang tigil-pasada ng ilang grupo.
Ayon kay Artes, hindi magpapa-hostage ang pamahalaan sa mga taong pansariling interes lamang ang isinusulong.
Dahil dito, inanunsyo ng MMDA na dahil sa maliit lang ang inaasahang epekto ng tigil-pasada ay tuloy ang pagpapatupad ng number coding scheme partikular na sa mga plakang nagtatapos sa mga numerong 1 at 2.
Sa eastern part ng Metro Manila naman, tanging ang Marikina ang nag-anunsyo ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga paaralan at sa halip ay lilipat ang kanilang mga mag-aaral sa modular modality.
Nag-anunsyo ring May Pasok ang mga lungsod ng Pasig at San Juan dahil sa hindi naman sila apektado ng tigil-pasada. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Sec. Abalos’ FB page