Ibinahagi ni Senador Risa Hontiveros na mas malala pa sa inaasahan ang natuklasan nilang sitwasyon sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte kung saan naninirahan ang mga miyembro ng sinasabing kulto ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng naging occular inspection sa lugar ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Sabado.
Hindi man personal na sumama sa occular inspection, nagpadala naman ng kanyang staff si Hontiveros para sumama sa Sitio Kapihan.
Ayon sa mambabatas, nasa 22 child marriages sa komunidad ang naitala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan ang ilan ay nakumpirma nang nagbunga na rin ng mga anak.
Iginiit ni Hontiveros na kailangan ring magkaroon ng imbestigasyon kung nasaan at ano ang kalagayan ng mga batang ipinanganak sa child marriages.
Natuklasan rin aniyang walang maayos na record ang SBSI ng mga namatay sa loob ng Sitio Kapihan lalo na kung saan sila nakalibing at ano ang dahilan ng kanilang pagkamatay na malinaw na paglabag sa Presidential Decree 856 (Code of Sanitation).
Ipinunto rin ng senador ang kawalan ng basic official documents ng mga residente sa lugar na maaaring magbunga ng identity theft pagdating sa 4Ps at iba pang ayuda mula sa pamahalaan.
Sinabi ni Hontiveros na sa susunod na pagdinig ng Senado tungkol sa isyu ay dapat ipaliwanag ng lider ng grupo na si Jey Rence Quilario alyas ‘Senior Agila’ ang mga natuklasang iregularidad. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion