Target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng diesel-electric submarines para gamitin sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang plano ay bahagi ng pagrebisa sa Horizon 3 ng AFP Modernization program, upang mabigyan ng kakayahan ang kasundaluhan na mas maprotektahan ang exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Brawner, kabilang sa wish list ng Philippine Navy ang pagkakaroon ng long range equipment tulad ng submarine.
Kung maaalala, ang proposed budget para sa submarine acquisition program ay nagkakahalaga ng P80 billion hanggang P110 billion kabilang na ang basing, maintenance, at crew training nito.
Aniya, bukod dito ay posible ring maisama sa Horizon 3 ang iba pang pangangailangan ng Philippine Navy para sa dagdag na sasakyang pandagat, na inisyal na itinakdang maipatupad mula 2023 hanggang 2028.
Layunin aniya nito na maprotektahan ang mga islang nasasakupan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne