Kumbinsido si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maituturing na kulto ang Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Sinabi ito ni Dela Rosa, matapos ang ocular inspection ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte kung saan naninirahan ang mga miyembro ng grupo.
Ayon sa senador, makikita kasi sa SBSI ang lahat ng elemento ng pagiging kulto gaya ng bulag na pagsunod at paniniwala sa kanilang lider na si Jey Rence Quilario alyas Senior Agila.
Sinabi ni Dela Rosa, na sa gagawing susunod na pagdinig ng kanyang komite tungkol sa mga isyu sa SBSI ay tatalakayin nila ang nadiskubreng eksklusibong libingan sa lugar, kung saan karamihan sa mga nakalibing ay natuklasang mga bata.
Nais malaman ng mambabatas kung may permiso ba mula sa lokal na pamahalaan ang libingan, at kung ano ang nangyari o dahilan ng pagkasawi ng mga nakalibing doon.
Inatasan na rin aniya ng senador ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan rin ang usaping ito.
Samantala, wala namang nakitang ebidensya si Dela Rosa tungkol sa naunang impormasyon na may private army at shabu laboratory sa Sitio Kapihan.
Hindi naman inaalis ng senador ang posibilidad na nalinis na ito sa lugar, dahil alam na iimbestigahan at sisilipin na sila ng mga otoridad. | ulat ni Nimfa Asuncion