Tinawanan lamang ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson, Atty. Don Artes ang mga pahayag at patutsada ni Manibela National Chairperson Mar Valbuena.
Ito’y makaraang sabihin ni Valbuena sa kanilang tigil-pasada kahapon na tila natakot umano ang pamahalaan dahil sa kinailangan pang magsuspinde ng klase ng ilang lokalidad upang hindi maramdaman ng taumbayan ang epekto nito.
Ayon kay Artes, walang mali sa ginawang paghahanda ng pamahalaan sabay paghahanap kay Valbuena kung nasaan ang ipinagmamalaki nitong mahigit 200,000 jeepney driver na lalahok sa tigil-pasada.
Giit ni Artes, kung sa tingin ni Valbuena na tagumpay ang kanilang ginawa ay nagkakamali ito dahil kitang-kita naman aniya sa kanilang monitoring na nasa 30 tsuper lamang ang nakiisa sa kanilang kilos-protesta.
Bagaman pangkalahatang naging mapayapa ang pagtaya ng Philippine National Police (PNP) sa kabuuan ng tigil-pasada kahapon, sinabi ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na may ilang insidente silang naitala lalo na sa Region 3 subalit kagyat naman itong naagapan ng Pulisya.
Sagot naman ni Acorda sa banta ng Manibela na gawing isang linggo ang tigil-pasada, nakahanda ang PNP na umalalay sa MMDA at mga Lokal na Pamahalaan hangga’t nariyan ang problema. | ulat ni Jaymark Dagala