Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros na magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa aniya’y nakakabahalang serye ng hacking at data breaches na naranasan ng ilang mga website ng gobyerno nitong mga nakalipas na araw.
Sa paghahain ng Senate Resolution 829, nais ni Hontiveros na masukat kung sapat ba ang mga umiiral na cybersecurity measures ng mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa ng mga datos at impormasyon na mahalaga sa national security ng Pilipinas.
Iginiit ni Hontiveros na ang data breach sa mga sensitibong impormasyon na hawak ng gobyero ay banta sa kaligtsan at seguridad ng mga Pilipino.
Dahilan rin aniya ito para maging vulnerable ang taumbayan sa iba’t ibang krimen gaya ng text spams, online scam, phishing, financial fraud, extortion, blackmail, at identity theft.
Binigyang diin ni Hontiveros na sa ilalim ng Data Privacy Act ay obligasyon ng pamahalaan na tiyaking ang mga personal na impormasyon sa lahat ng sistema nito at maging ng pribadong sektor ay protektado. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion