DOTr Sec. Bautista, nanindigan na ‘di naging sangkot sa anumang korapsyon

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nanindigan si Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi ito naging bahagi ng anumang korapsyon o pangingikil sa Department of Transportation (DOTr) at  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ay matapos na sampahan ng kalihim ng kasong paglabag sa Cyber Crime Prevention Act sina Manibela President Mar Valbuena at mamamahayag na Ira Panganiban, kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa ahensya.

Isinampa ng kalihim ang nasabing reklamo laban sa dalawa sa Department of Justice.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Bautista na hindi niya hahayaan na siraan siyang muli lalo na kung malisyoso, walang basehan at walang katotohanan ang mga ibinabato laban sa kaniya.

Nag-ugat ang kaso sa naging pahayag ni Valbuena sa media, na minamadali aniya sila ng ilang opisyal ng DOTr na magkonsolida ng mga papasok ng mga kooperatiba o korporasyon bilang bahagi PUV Modernization program. Hinihimok rin aniya sila na maglagay ng suhol para mabigyan ng ruta, provisional authority at special permit para makabiyahe.

Sa panig naman ni Panganiban, iginiit nitong wala siyang ginagawang masama at inihahayag lamang niya kung ano ang balita katulad ng iba pang kasamahan sa media. | ulat ni Diane Lear

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us